Newspaper Archives Vol. 10 Blg. 13
October 07, 2012 - October 13, 2012 issue
DASMARIÑAS CITY–– Tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasa kritikal na kalagayan, matapos barilin at saksakin ng mga ’di-kilalang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Salawag sa bayan ng Dasmariñas City, Cavite nitong nakalipas na Setyembre 29 ng umaga.
Kinilala ni Cavite PNP director P/Senior Supt. John Bula-lacao ang mga biktimang sina Felix De Guzman, kawani ng Bureau of Customs Deserie Ocampo, ka-live-in ni Felix at anak na si Gina Marie de Guzman, 16, pawang nakatira sa Block 6, Lot 26, Virgo corner Aries Streets sa San Marino Heights, Brgy. Salawag sa nabanggit na lungsod.
Sa imbestigasyon, kagigising lang ng mga biktima nang pasukin sila ng tatlong armado ng cal.9mm pistol at mga patalim bago sila tangkaing imasaker bandang alas-5:15 ng umaga.
Sina Felix at Deserie ay nagtamo ng mga saksak sa katawan at ulo mula sa hataw ng matigas na bagay at kasalukuyang ginagamot sa Metro South Hospital sa Bacoor City.
Samantalang nagtamo naman ng tama ng bala ng baril at saksak sa katawan ang batang De Guzman na isinugod sa EACMCC Hospital sa Dasmariñas City Ayon kay P/Supt. Ulysses Cruz, Dasmariñas PNP chief, nasa intensive care units ng mga ospital ang mga biktima dahil sa malubhang kalagayan.
Sinasabing “Posibleng may kinalaman sa utangan ang motibo ng tangkang pagpatay sa mga biktima – “dahil nagtatrabaho kasi si Deserie sa money lending, hindi lang namin ma-laman kung siya ang may utang o may nagalit sa kanyang mangungutang,” paliwanag ni Cruz Natagpuan ng pulisya ang cell phone ni Deserie sa loob ng kwarto nito kung saan may mga text messages ng death threats sa ’di-pa kilalang sender.
Ayon sa mga saksi, dumating ang mga suspek sa bahay ng mga biktima na sakay ng taxi at tumakas naman sakay ng traysikel patungong Barangay Paliparan.
page 02 - "3 MIYEMBRO NG PAMILYA KRITIKAL SA TANGKANG MASAKER" │ Operation Eposé Vol. 10 Blg. 13 October 07, 2012 - October 13, 2012
No comments:
Post a Comment